Thursday, October 4, 2012

[Poem] Simula

Maliksing kong binagtas, tinahak
Ang isang madilim na daan
Di alam kung saan pasulong
Mga paang hindi uurong.
Saan nga ba ang ating laban?
Tanong ko sa aming pamunuan
Tila di alam kung saan ito patutungo
Na para bang sunud-sunuran at uto-uto.
Sulong! Kapit-bisig!
Ang siyang sinisigaw ng aming bibig
Patakbong sinugod ang daang makitid
Na parang hindi nag-iisip ng matuwid.
Ano nga ba ang aming adhikain?
Ito ba'y maghahatid sa hapag ng pagkain?
Ano ba ito para sa akin
Na mismong buhay handang kitlin?
Maari bang tayo'y saglit na huminahon
At magmuni-muni sa takbo ng ating panahon?
May saysay ba ang ating sinisigaw
Na ang balik ay isa lamang na alingawngaw?
May katuturan ba ang ating ipinaglalaban
O sa lipuna'y isang malaking sagabal?
May patutunguhan ba ang usad-pagong na sistema
O magiging tila napag-iwanang sambayanan?
Palasyo ba'y sa matuwid ang patungo
O mananatili na lamang na huwad at moro-moro?
Iyan ang aking hamon
Sa kabataan ng ating panahon
Hinay-hinay lang mga katoto
Doon pa rin naman tayo ay patungo.
Huwag magligalig at magmadali
Namnamin ang ganda ng bawat sandali
Kung ang hanap ay tiyak na pagbabago
Bakit hindi mo kaya simulan sa sarili mo?
O Pag-asa kami'y Iyong ngitian
Araw na'y nagsabog ng liwanag sa kalangitan
Hudyat ng panibagong araw nga naman
Na puno ng magagandang aral ng kasalukyan.
Magbago ka, oo para sa iyo ito
Aking kausap kabataang ligaw, nalilito
Huwag kung saan-saan humanap ng pagkatuto
Tanging kay Ama lamang ito mapagtatanto.
Talikdan ang daang iyong tinatahak
Huwag nang hintaying puso mo'y mawarak
Pagkat Kanyang pangako'y tigib at totoo
Bakit pa aasa sa gintong tinanso?
Bangon kabataan, bangon
Huwag hayaang mapag-iwanan ng panahon
Ayan sa harapan mo ang daang matuwid
Bakit di mo kaya simulang tawirin?

-mmp 05october2012 1:30am