Pasanin na kay bigat
Nakapatong sa Iyong balikat
Lakad, kaladkad Iyong sandalyas
Sunod sa kadete sa bawat senyas.
Kay layo ng Iyong binagtas
Sapin sa paa halos mapigtas
Sakit, pagod, uhaw Iyong dinanas
Alang-alang sa lahat, sa aming pagkaligtas.
Di lingid sa aming kaalaman
Ika'y Sugo ng aming Kamahalan
Huling araw sa ami'y ipinaalam
Sa takdang oras, kalangita'y lalamlam.
Dinig sa kalayuan Iyong pagpalahaw
Hampas at hataw ay umalingawngaw
Bawat sakit, bawat hapdi
Iyong tiniis na ang utos ay tupdin.
Nang matapos yaring pagpapahirap
Krus itinaas, itinulos nang ganap
Pitong habilin Iyo nang binigkas
Sinambit bago ang Iyong buhay magwakas.
"Naganap na!", dinig huling sinabi
Iyong kapalaran isinulat at hinabi
Kamatayan man ang Iyong kinahantungan
Katumbas naman ay buhay na walang hanggan.
Bugtong na Anak O kay buti Mo
Pagsunod sa Ama, kahit katawan ay magupo
Walang kaparis ang pag-ibig na ito
Na alay lamang ng pusong busilak at totoo.
No comments:
Post a Comment