Monday, September 24, 2012

[Poem] Liban sa Iyo

Sa mundong puno ng kahungkagan
Wari kong pag-asa'y kay layong masugpungan
Aking tinanaw ang malayong daan
Tila isang walang hanggang katapusan.


Hinanap kung saan-saan
Kaligayahang aking inaasam
Kahit anuman aki'y susunggaban
Mapunuan lamang aking kakulangan.


Kaliwa't kanan hinanap aking kaligayahan
Bisig ni adan akala'y matibay na sandalan
Inakalang marangyang buhay sa aki'y nakatunghay
Nang ang aking kastilyo'y biglang bumuway.


Gabi't araw walang patid na hinagpis
Yaring pusong nasaktan ng labis
Di ko nawari Siya sa aki'y nakaalalay
Habang buhay ko pala sa aki'y nakasubaybay.


Sa balangkas ng aking buhay
Siya sa aki'y umagapay
Na sa bawat hikbi ng pusong sawi
Kanyang tanging pagmamahal ang siyang pumawi.


Aking napagtanto
Walang katulad ang Iyong puso
Na liban sa Iyo
Wala nang ibang katulad na makakatagpo
Liban sa Iyo
Wala nang ibang masugid na manunuyo
Liban sa Iyo
Pag-ibig ay Ikaw at Iyo.


Tunay ngang ako'y mapalad
Dahil sa Iyong yakap ako'y napadpad
Iyong busilak na puso sa aki'y inihatag
Nang sa Iyo ang kamatayan ay nawalan ng tatag.


O Pag-ibig panahon ay nasa Iyong bisig
Kailanman Ikaw ang aking bukang-bibig
Ikaw lamang ang tanging aking aasahan
Sapagkat Iyong pagmamahal kailanma'y hindi mapaparam.

-mmp 25sept2012 02:00am

No comments: