Wednesday, September 26, 2012

[Poem] Iyong Kaluguran

Nakahiga, nakahimlay,
Ang paa sa kama ay nakabayubay,
Tahimik, nag-iisip,
Hindi namalayang araw'y sumisilip.

Nagtatanong sa aking sarili,
Hanggang kailan dito ay mananatili,
Kung saan kay tigib ng kalungkutan,
Parang tila isang madilim na kawalan.

Bakit puso'y naninibugho
Sa kung anumang sa kapatid ay mayroon?
Bakit puso'y may suliranin
Na ito'y makamit at nang maangkin?

Bakit puso'y nagdurugo
Sa kanyang buhay na tila bulang-gugo?
Bakit puso'y naliliyo
Sa imbitasyong may rahiyo?

Saklolo, tulong, saklolo
Wala bang nakaririnig sa aking panaghoy?
Katawan na'y pagal, lalamunan kong tuyo
Sa pakikibaka sa sariling alimpuyo.

Sa aking kaibuturan tila may alingawngaw
Aking narinig, naulinigang kay linaw
Boses Mong akala'y isang hiraya
Tumatawag, nanghihikayat, nag-aanyaya.

Walang alinlangan ako'y sumunod,
Tumalima sa Iyo at nagpahinuhod,
Sa Iyong paanan ako'y umupong paluhod
Handang makinig, buong pusong may lugod.

Mahal kita, Iyong sambit
Mga mata'y nakatitig nang kay lagkit
Tila isang punyal sa aking kaibuturan
Iyong salita nanarak, nanahanan.

Sa aking pakiwari
Wala nang pag-asa sa tulad kong uri
Madilim kong nakaraan
Iyong sabi'y kalimutan.

Anak, ihinto iyong pagpalahaw
Ngayon ay hindi na ang dating ikaw
Magsaya, magdiwang sa iyong bagong buhay
Magandang kinabukasan sa iyo'y naghihintay.

Salamat sa Iyo Banal na Kamahalan
Dahil sa Iyo buhay ko ay may kahulugan
Sa Iyo, pag-asa at pag-ibig aking nasumpungan
Itatanghal, itataas sa mundo ang Iyong Ngalan.


- mmp 27september2012 02:36PM

No comments: