Isang hapong malamlam,
Na ang araw ay hindi matanaw,
Samu't sari sa aking balintataw,
Alaala ng kahapong wari'y nais nang maparam.
Madalas sa isipa'y sumasagi,
Aking buhay yaring ibahagi,
Sa kung sinumang nais pumawi,
Ng lungkot sa mukha ay nakaguhit.
Taon ay lumipas,
Waring kahapon ay kay layong binagtas,
Pusong sawi sumuko at napagal,
Na ang buhay minsa'y inibig nang mapigtal.
Ngunit nang Ika'y lumapit,
Iyong sabi'y sa Iyong kamay ay kumapit,
Ako'y sumunod na pawang nabatubalani,
Patungong daang matuwid ito'y aking batid.
Ikaw na nga, Ikaw na,
Ang pinakahihintay ng aking tadhana!
Kulang man ako sa Iyo'y haharap,
Walang katumbas ang buhay sa Iyo ay nahagap.
Panginoon ako'y Iyong patawarin,
Sa mga kasalanang hindi ninais hangarin,
Taglay sa puso ako'y Iyong mapansin,
Nang mapawi lahat yaring isipin.
O Ama kay buti Mo,
Buhay ng Iyong Anak ay isinugo,
Upang kaming uhaw at tuyo,
Ay mailigtas, bagaman kulang, Iyo pa ring binuo.
No comments:
Post a Comment