Karimlan ay pumukaw
Sa mundo na akin ay nagunaw
Pighati at takot yaring sumaklaw
Sa pagkatao kong mapagpaimbabaw.
Puno ng pag-asa landas ay binagtas
Sa isang iglap, nawala't nagwakas
Ito ba sa tadhana ko'y nakabalangkas
Na siyang inadya ng Pantas sa itaas?
Sa isang sulok ako ay nakalugmok
Di man lang dapuan ng antok
Itong damdaming nakakasulasok
Saglit nang igugupo ng pagkataong marupok.
Dali-daling tumingala
Umaasa sa isang himala
O Pantas, Iyong galing ipakilala
Nang kalagayan ay hindi na lumala.
'Anak', sambit mong marahan
Aking pagtangis tumigil ng dahan-dahan
Pusong lukob ng kaba at kaligayahan
Nang ako'y anyayahan sa Iyong tahanan.
Batid ko ang Iyong kabutihan
Bukal ang kaloobang may kagandahan
Sa pagtanggap sa pagkataong may karumihan
Iyong yakap ng pagbati sa aki'y nakagaan.
Patawarin, ako'y Iyo muling pagbigyan
Ng pagkakataong tumayo sa Iyong harapan
Bagong buhay sa Iyo'y nagisnan
At kaligyahan sa Iyo lamang nasumpungan.
Pagmamahal sa puso Mo ay puspos
Nang iyong buhay ipinangtubos
Sa kasalanang sa Iyo ami'y itinulos
Pasasalamat sa Iyo ay ubod at lubos.
No comments:
Post a Comment